MANILA, Philippines - Magbabalik ang Pilipinas sa 3-on-3 basketball sa Youth Olympic Games sa Nanjing, China matapos makapasa ang tatlong iba pang manlalaro upang samahan si Kobe Paras na pasok na sa koponan.
Isang qualifying tournament ang ginawa ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) kamakailan at ang mga inasinta na sina JP Cauilan at Manuel Mosqueda ng National University at Armando San Juan ng La SalÂle Greenhills ay nakapasa sa koponan.
Si Paras na nakasama nina Thirdy Ravena, Arvin Tolentino at Prince Rivero na nanalo sa FIBA Asia 3-on-3 para umabante sa World 3-on-3 noong nakaraang taon ang mangunguna sa delegasyon.
Gumawa ng pangalan ang 6’5 player sa World event sa Indonesia nang kunin ang titulo sa slam dunk.
Ito ang ikalawang sunod na YOG na kasali ang Pilipinas sa 3-on-3 dahil noong 2010 edisyon sa Singapore ay ipinadala sina Bobby Parks Jr., Jeron Teng, Michael Tolomia at Michael Pate at tumapos ang koponan sa ika-siyam na puwesto.
May entry na rin ang Pilipinas sa archery, triathlon at gymnastics habang hinihintay pa ang desisyon mula sa kanilang international federation ang atleta sa swimming at athletics.
Sina Luis Gabriel Moreno at Bianca Gotuaco ang kakatawan sa archery, si Vicky Deldio ang lalaban sa triathlon habang ang Fil-Am na si Ana Verdaflor ang kaÂkatawan sa gymnastics.
Sina Roxanne Yu at Fil-Am Zion Corrales-Nelson ang mga itinutulak sa swimming at athletics. Ang YOG ay gagawin mula Agosto 16 hanggang 28.