MANILA, Philippines - Hindi sinayang ng nagdedepensang kampeon na si Lee Van Corteza ang pangalawang pagkakataon para makapasok sa main draw upang magkaroon ng limang Filipino cue artists na palaban sa 2014 China Open 9-Ball Tournament sa Pudong Yuanshen Stadium sa Shanghai, China.
Natalo kay Liu Haitao ng China, 9-6, sa winner’s bracket, binawi naman ito ni Corteza sa pamamagitan ng 9-6 tagumpay kay Chinese player Dai Yong sa loser’s side sa Group H upang pumasok sa Last 32 knockout round.
Si Johann Chua ay umani ng 9-6 panalo kay Jeremy Sossei ng US sa one-loss bracket sa Group D habang si Jeffrey Ignacio ay nanaig sa kababayang si Warren Kiamco, 9-7, sa Group C.
Nauna nang umabante sina Dennis Orcollo at Carlo Biado nang hindi natalo sa dalawang laro sa Group F at E, ayon sa pagkakasunod.
Ang knockout round na isang race-to-11, alternate break format, ay sinimulan kagabi at kalaro ni Orcollo si Rodney Morris ng US habang si Biado ay kalaban ni Phil Reilly ng Australia.
Si Corteza ay masusukat kay Khanh Hoang Nguyen ng Vietnam; si Chua ay mapapalaban kay World champion Daryl Peach ng Germany at si Ignacio ay makikilatis kay Karol Skowerski ng Poland.
Si World 10-ball champion Rubilen Amit ay umabante sa knockout phase sa women’s division pero nalaglag ang kasamahang si Iris Ranola.
Giniba ni Amit si Chichiro Kawahara, 7-3.