French Open Sharapova vs Halep sa finals

Napasigaw si Maria Sharapova ng talunin si Eugenie Bouchard  sa semis ng French Open

PARIS--Inangkin ni Maria Sha­rapova ang kanyang ikatlong sunod na Finals ticket sa French Open matapos talunin si 18th-seeded Eugenie Bouchard ng Canada, 4-6, 7-5, 6-2.

Bagamat natalo sa first game ay hindi naman sumuko si Sharapova kay Bouchard.

“If some things are not wor­king out, I don’t just want to quit in the middle. Because when you lose the first set or a few games or you’re down a break, that’s not the end of the match,’’ ani Sharapova.

Ito ang ika-19 panalo ni Sharapova sa laro na nauuwi sa three sets.

Makakatapat ng No. 7-seeded na si Sharapova sa finals si No. 4 Simona Halep, ang 22-anyos na Romanian na hindi pa nakakalampas sa quarterfinals sa isang major tournament.

Pinatalsik ni Halep si No. 28 Andrea Petkovic ng Germany, 6-2, 7-6 (4), sa semifinals.

“I have a lot of confidence in myself now,’’ ani Halep, noong nakaraang taon ay No. 57 seed at natalo sa first round sa Paris.

May 0-3 record si Halep sa kanilang pagtatapat ni Sha­rapova. Ngunit nanalo si Halep ng pitong titulo sa pag­sisimula ng season.

Dumaan naman si Sharapova sa butas ng karayom para makarating sa kanyang pang-siyam na Grand Slam final. 

Sa fourth round laban kay 2011 U.S. Open champion Samantha Stosur ay humabol si Sharapova sa 6-3, 4-3 bago ipanalo ang sumunod na siyam na laro.

Sa quarterfinals kontra sa 20-anyos na si Garbine Muguruza, ang sumibak kay Serena Williams, naiwanan din si Sharapova sa 1-6, 4-5 at nakuha ang siyam sa huling 10 laro.

Posibleng ito rin ang mangyari sa laban ni Sharapova sa 22-anyos na si Halep sa finals.

Show comments