SBP problemado sa 2 teams na ilalahok sa FIBA Asia-Pacific leg 3-on-3 World Tour

MANILA, Philippines - Sa susunod na buwan na isasagawa sa bansa ang FIBA Asia-Pacific  leg 3-on-3 World Tour sa Pilipinas pero hanggang ngayon ay hindi pa batid ang dalawang koponan na isasali ng host country sa nasabing kompetisyon.

Bilang host, ang Pilipinas ay pinahintulutan na magsali ng tatlong teams pero ang nakatiyak pa lamang na lalahok ay ang Naga City Titans matapos pagharian ang idinaos na National 3-on-3 Cham­pion­ship kamakailan.

“Open category ang Asia-Pacific 3-on-3 but we are fielding the champion in the national U-18  3-on-3 as part of our grassroots development,” paliwanag ni SBP executive director Sonny Barriors.

Ang ikalawa at ikatlong koponan ay wala pang li­naw dahil hindi pa malaman kung mabubuo ng SBP ang 3-on-3 team na nanalo sa FIBA-Asia at umabot sa World tournament noong nakaraang taon na binuo nina Kobe Paras, Prince Rivero, Arvin Tolentino at Thirdy Ravena o kung may maipapahiram na manla­laro galing sa PBA teams.

“We are trying to reassemble team of coach John Flores. We are trying because Kobe is in the US and we will be flying him in. He is so popular in the World 3-on-3 that he is a special request by FIBA for him to be around,” ani pa ni Barrios.

Si Paras ay gumawa ng marka nang pagharian ang slam dunk side event ng kompetisyon sa Indonesia.

Sumulat na rin ang SBP sa PBA para alamin kung puwedeng makahiram ng manlalaro dahil ang national team na nasa ilalim ni coach Chot Reyes ay hindi puwede sa nasabing kompetisyon.

Ang Asia-Pacific ay gagawin mula Hulyo 19 at 20 sa SM Megamall  at inaasahang magpapadala ng koponan ang Australia, New Zealand, Chinese Taipei at Japan.

 Iba ang laro ng 3-on-3 sa 5-on-5 kaya’t hiningi ni Barrios ang tulong nina Flores at dating Youth coach Eric Altamirano para tumulong sa pagbuo sa dalawang koponan na ilalaban sa kompetisyon. (AT)

 

Show comments