MANILA, Philippines - Patuloy ang ginagawang pagpapalakas ng mga Batang Pier.
Matapos matalo sa San Miguel Beer noong Martes ay nakuha ng Globalport si veteran center Yancy De Ocampo at Val Acuña mula sa San Mig Coffee sa kasalukuyang 2014 PBA Governors’ Cup.
Inaprubahan ni PBA Commissioner Chito Salud ang nasabing two-on-two trade sa pagitan ng Batang Pier at ng Mixers.
Bilang kapalit ng 6-foot-9 na si De Ocampo at ng guard na si Acuña ay nakuha naman ng San Mig Coffee sina 6’8 Yousef Taha at forward Ronnie Matias.
Kahapon ay inaprubaÂhan din ni Salud ang pagkuha ng Globalport kay scoring machine Ronjay Buenafe kasama ang isang 2015 second round draft pick mula sa Barako Bull.
Napunta naman sa EnerÂgy Cola sina Nico Salva at Bonbon Custodio.
Samantala, inaasahan namang sasama si Fil-Am guard Stanley Pringle ng Penn State sa 2014 PBA Rookie Draft bukod pa kina collegiate stars Bobby Ray Parks, Jr., Garvo Lanete, Kevin Alas, Ronald Pascual, Jake Pascual, Rome de la Rosa at Fil-Am Chris Banchero.
Nakatakda ang draft sa Agosto 24 sa Robinson’s Manila sa Ermita.
Nagkumpirma na ng kanilang paglahok sa draft ang dalawang expansion teams na Kia Motors at Blackwater.
Magdedesisyon naman ang ikatlong expansion squad na N-LEX sa Hunyo 7 kung papasok sila sa PBA sa pamamagitan ng expansion route. (RCadayona)