Texters sumalo sa liderato

MANILA, Philippines - Nagtayo ng 17-point lead sa third period, hindi na bumitaw ang Talk ‘N Text para talunin ang Air21, 102-91, at angkinin ang kanilang ikatlong sunod na panalo sa 2014 PBA Governors’ Cup kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ang nasabing panalo ang nagtabla sa Tropang Texters sa nagdedepensang San Mig Coffee Mixers sa liderato sa magkatulad nilang 4-1 kartada, habang nakasalo ng Express sa ikatlong puwesto ang San Miguel Beermen sa kanilang 3-2 baraha.

Mula sa 52-44 abante sa halftime ay pinalobo ng Talk ‘N Text ang kanilang bentahe sa 17 points, 70-53, laban sa Air21, nabigong makamit ang kanilang pa­ngalawang dikit na panalo.

Tinapos naman ni Jayson Castro ang third period sa kanyang layup para ilayo ang Tropang Texters sa Express sa 83-67.

Ipinoste ng Talk ‘N Text ang pinakamalaki nilang kalamangan sa 20 points, 95-75, mula sa dalawang free throws ni Ranidel De Ocampo para ibaon ang Air21 sa gitna ng fourth quarter.

Samantala, magpipilit makaba­ngon ang Barangay Ginebra  sa pagsagupa sa Barako Bull Ener­gy Cola ngayong alas-8 ng gabi matapos ang banggaan ng San Miguel Beermen at ng Globalport Batang Pier sa alas-5:45 ng hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Nagmula rin sa kabiguan ang Barako Bull nang matalo sa Rain or Shine, 93-96, noong Sabado.

 

Show comments