Pinayuko ang power attackers sa Superliga Raiders sumosyo sa liderato

MANILA, Philippines - Dinugtungan ng RC Cola-Air Force Raiders ang panalong nakuha sa unang asignatura sa mas kumbinsidong straight sets panalo sa PLDT Home TVolution Power Attackers, 25-18, 25-23, 25-18, sa 2014 PLDT Home DSL-Philippine Super Liga (PSL) All-Filipino Conference volleyball tournament kaha­pon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Si Judy Ann Caballejo ay mayroong 13 kills at da­lawang aces tungo sa 16 puntos habang sina Maika Ortiz at Joy Cases ay nag-ambag pa ng tig-11 para ibigay sa Raiders ang pinakamagandang pa­nimula sa ligang inorganisa ng Sports Core at handog ng PLDT Home DSL bukod sa ayuda pa ng Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway Medical.

“Pinaghandaan namin ang larong ito lalo na sa blocking para madepensahan ang kanilang mga attackers,” wika ni winning coach Clarence Esteban na ngayon ay nakasalo sa liderato kasama ang pahingang Air Asia Flying Spikers at Petron Lady Blaze Spikers sa 2-0 karta.

Lamang ng dalawang blocks ang Raiders sa Power Attackers, 8-6, at sina Liza Deramos at setter Rhea Dimaculangan ay may tig-dalawang blocks.

Si Dimaculangan ay mayroon ding 35 excellent sets para malayang nakaatake ang kanilang mga spikers tungo sa 47-28 kalamangan sa departamento.

Si Charo Soriano ay mayroong 11 puntos, mula sa walong kills at tatlong blocks pero ang ibang ka­­kampi ay nakitaan ng ma­lam­yang paglalaro.

May pitong puntos la­mang si Sue Roces habang pinagsamang 10 pun­tos lang ang naiambag nina Lou Ann Latigay at Rysabelle Devanadera.

Ang kanilang setter na si Jem Ferrer ay may 12 excellent sets lamang para maputol ang dalawang dikit na panalo ng koponan ni coach Roger Gorayeb tu­ngo sa 2-2 kartra.

Malakas na panimula ang agad na ipinakita ng Raiders nang hawakan ang 22-12 tungo sa 25-18 panalo sa first set.

Tila nagising ang Power Attackers sa second set at nakalamang pa sa 23-21 sa kill ni Soriano.

Ngunit hindi nila napi­gilan ang pagbangon ng katunggali na ipinanalo ang huling apat na puntos na pinaglabanan.

 

Show comments