Donaire gigil nang manalo kay Vetyeka

    Nagtitigan  sina Nonito Donaire at Simpiwe Vetyeka ng South Africa sa isinagawang weigh-in kahapon sa The Venetian sa Macau para sa kanilang laban ngayong gabi. (Kuha ni Abac Cordero)

MACAU--Maraming gustong patunayan si Nonito Donaire Jr. sa kanyang pag-akyat ng boxing ring laban kay WBA featherweight champion Simpiwe Vetyeka ngayong gabi sa Cotai Arena.

Umakyat si Donaire ng weight division at hangad na maging four-division champion.

Noong 2012 ay hinirang siyang Fighter of the Year matapos manalo sa apat na laban kung saan ang dalawa rito ay natapos sa pamamagitan ng knockout.

Hindi natalo si Donaire sa loob ng 12 taon.

Ngunit noong 2013 ay naisuko niya ang kanyang super-bantamweight titles kay Guillermo Rigondeaux ng Cuba noong Abril bago bumalik sa eksena mula sa pagpapabagsak muli kay Vic Darchinyan sa ka­nilang rematch noong Nobyembre.

“That year I was at the crossroads. But now I’m back. I’ve chosen to continue fighting,” sabi ng 31-anyos na si Donaire.

Kontra kay Vetyeka, muli niyang mapapatuna­yan na isa pa rin siya sa mga pinananabikang boxer na palagiang naghahanap ng knockout.

Patutunayan din ni Do­naire na madadala niya ang lakas ng kanyang suntok sa 126 lb., division.

Hindi rin dapat matalo si Donaire kay Vetyeka.

“It’s definitely a must-win fight. I think from this point on every fight is a must win. This is where it starts,” wika ni Donaire.

Tumimbang ang Filipino sa electronic scales na may eksaktong timbang na 126 lb., habang mas magaang na 125 lb., naman si Vetyeka.

Ang dating trainer ni Donaire na si Robert Garcia ay narito ngunit para gabayan si Evgeny Gra­dovich, itataya ang kanyang IBF featherweight ti­tle laban kay Alexander Miskirtchian.

Lalaban din sa 15,000-seat Cotai Arena si Darcin­yan kontra kay Nicholas Walters sa isa pang fea­therweight bout.

Show comments