MANILA, Philippines - Itakda ang rematch ng NLEX Road Warriors at Blackwater Sports Elite ang dagdag motibasyon ng dalawang koponan sa pagsalang sa magkahiwalay na laro sa Game Two sa PBA D-League Foundation Cup semifinals ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Isang panalo na lamang ang kailangan ng Road Warriors at Elite sa Cebuana Lhuillier Gems at Jumbo Plastic Giants para umabante na sa Finals na inilagay din sa best-of-three series.
Umani ang tropa ni coach Boyet Fernandez ng 70-60 panalo sa Gems noong Huwebes sa larong naging pisikal.
“Hindi kami nagrereklamo pero dapat ay suriin din mabuti kung pananakit na ang kanilang ginagawa. Pero pinaghahandaan namin ang larong ito at inaasahang mas pisikal ito,†wika ni Fernandez sa larong itinakda dakong alas-2 ng hapon.
Sa ganap na alas-12 ng tanghali gagawin ang bakbakan ng nagdedepensang kampeon Elite at Giants at nananalig si Blackwater coach Leo Isaac na hindi mawawala ang intensidad na nakita sa lahat ng manlalaro na ginamit sa Game One para tapusin na ang kanilang serye.
Ang reserve na si Gilbert Bulawan ay gumawa ng 13 puntos habang ang mga kamador na sina Jericho Cruz, Mark Cruz, Kevin Ferrer at Reil Cervantes ay nagsanib sa 44 puntos para sa solidong opensa.
“Hindi dapat makontento dahil puwede pang mag-improve ang laro namin. Kailangang itaas pa ang confidence level dahil hindi puwedeng bigyan sila ng tsansa na bumalik,†paalala ni Isaac.
Sina Jeff Viernes, Jerick Canada at Jopher Custodio na gumawa ng 17, 12 at 11 puntos ang mga sasandalan ng Giants pero makakatulong kung makakapagdomina ang mga malalaking manlalaro ng koponan.