Trainer ni Marquez ayaw na kay Pacquiao

Manny Pacquiao at Juan Manuel Marquez. AP Photos

MANILA, Philippines – Kung ang trainer ni Juan Manuel Marquez ang tatanungin ay ayaw na niyang makaharap pa ng kanyang alaga ang matinding karibal na si Manny Pacquiao para sa panlimang salang.

Sinabi ni Nacho Beristain sa ulat ni Salvador Rodriguez sa boxingscene.com na gagawin niya ang lahat huwag lang matuloy ang muling pagtatagpo ni Marquez at Pacquiao.

“I do not care who is angry, but I will do everything possible to prevent Juan Manuel Marquez from stepping in the ring with Pacquiao for a fifth time,” wika ng trainer.

Kaugnay na balita: Marquez pinuri si Pacquiao; panlimang laban posible

Nabuhay ang usapan tungkol sa panlimang bakbakan ng dalawang boksingero matapos manaig ni Marquez kay Mike Alvarado upang maging No. 1 contender ni Pacquiao para sa WBO welterweight title.

Sa huling pagtatagpo ng dalawa ay pinatulog ni Marquez si Pacquiao sa ikaanim na round noong Disyembre 2012.

Isa sa mga dahilan kung bakit napag-usapan ang muling banggaan ng dalawa ay dahil nais ni Marquez na maging kauna-unahang Mexicano na makakuha ng limang titulo sa magkakaibang division.

Kaugnay na balita: Arum handang ikasa ang Pacquio-Marquez 5

“I know the desire of Juan Manuel Marquez and myself, to conquer a fifth division, but it should not be against Pacquiao," sabi ni Beristain.

Aniya wala na dapat pang patunayan si Marquez kay Pacquiao.

"If it were up to me, he (Marquez) would not do a fifth fight. He has nothing to prove, people will remember him for what he's done in his career, for giving the people big fights, for having faced the best of his time.”

Show comments