MANILA, Philippines – Sa karera ng national men's football team sa AFC Challenge Cup ay nauwi sa scoreless draw ang kanilang laban kontra Afghanistan sa Addu Football Stadium sa Maldives.
Kahit wala ang mga key players ng Azkals ay hindi nagpatinag ang mga Pinoy na binigyan ng magandang laban ang South Asian champion sa group B ng liga.
Nagkaroon ng pagkakataong makaiskor ang national men's football team sa pamumuno ng head coach na si Thomas Dooley ngunit nahaluan ng malas ang tira ni James Younghusband nang dumiretso sa cross bar ang kanyang sipa.
Magandang depensa rin ang ipinakita ng Afghanistan matapos maharangan ang tira ni Stephan Shrock, Patrick Reichelt at Martin Steuble sa second half.
Hindi nakapaglaro ang Azkals main man na si Phil Younghusband at ang skipper na si Rob Gier dahil sa ipinataw na suspension matapos makakuha ng dalawang yellow cards bago ang laban, habang may iniindang injury si Caralie de Murga.
Muling sasalang ang Azkals bukas kontra Laos na mula sa 1-5 na pagkatalo sa Group B leader na Turkmenistan.
Tangkang lagpasan ng Azkals ang kanilang third place finish noong 2012 at nag-aasam na makuha ang kampeonato upang makasama sa AFC Asian Cup sa Australia.