MANILA, Philippines - Umakyat ng apat na baytang ang ranking ng Philippine Volcanoes matapos ang 26-25 panalo sa Sri Lanka sa Asian 5 Nations sa Colombo kamakailan.
Sa huling International Rugby Board (IRB) World Rankings na inaaniban ng 102 bansa at inilabas sa kanilang website noong Lunes, ang Volcanoes ay nalagay na sa ika-52 puÂwesto mula sa dating kinalugaran na 56 puwesto.
Ang pagkatalo ng Sri Lanka ay nagtulak sa kanila pababa mula 48th spot tungo sa 54th puwesto.
Taong 2012 noong unang sumali ang Pilipinas sa Asian 5 Nations at tunay na malaki na ang naiunlad ng laro ng Volcanoes dahil nagsimula sila sa 72nd ranking.
Magkasunod na panalo sa 2012 Asian 5 Nations Division 1 competition ang nagtulak sa Volcanoes para umakyat ng 16 puwesto tungo sa 56.
Magkakaroon pa ng pagkakataon ang national rugby team na umangat pa sa pagharap sa 26th ranked South Korea sa Sabado sa Southern PlainField sa Laguna.
Ang mananalo rito ang kukuha sa ikatlong puwesto sa A5N Premier Division habang ang matatalo ang bababa sa Division 1 sa 2015 kasama ang Sri Lanka.