MANILA, Philippines - Ipagpatuloy ang matayog na paglipad sa 2014 PLDT Home DSL-Philippine Super Liga (PSL) ang gagawin ngayon ng Air Asia Flying Spikers sa pagharap sa malakas na Cignal HD Spikers na gagawin sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Ikalawang sunod na panalo na magpapanatili sa liderato sa women’s division ang mapapasakamay ng tropang pag-aari ni sports patron Mikee Romero kapag nanaig sa HD Spikers sa larong itinakda dakong alas-4 ng hapon.
Galing ang bataan ni coach Ramil de Jesus sa kahanga-hangang 25-14, 25-19, 27-25, straight sets panalo sa Cagayan Valley Lady Rising Suns sa pagbubukas ng ligang inorganisa ng Score at handog ng PLDT Home DSL noong Biyernes.
“Wala kaming masyadong adjustments dahil kilala ko ang players ko at alam nila ang systema na ginagamit ko. Ito talaga ang advantage namin,†wika ni De Jesus na ang core players ay mga manlalaro ng UAAP champion La Salle.
Ang tibay ng koponan ay masusukat sa Cignal, pumangalawa sa naunang dalawang conferences na isinagawa sa torneong may suporta pa ng Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway Medical.
Ang mga subok nang manlalaro na sina Michelle Datuin, Honey Royse Tubino at mahusay na libero Jeck Dionela ang magdadala sa HD Spikers laban sa matitikas at batang sina Stephanie Mercado, Cha Cruz at Aby Maraño.
Agawan sa unang panalo ang magaganap sa PLDT MyDSL Lady Speed Boosters at Petron Blaze Lady Spikers sa alas-2 ng hapon habang ang huling laro dakong alas-6 ng gabi ay sa hanay ng mga baguhang Instituto Estetico Manila at Via Mare sa kalalakihan. (ATan)