MANILA, Philippines - Nakipagkasundo si Wesley So sa isang 20-move draw kay Francisco Vallejo Pons ng Spain sa Ruy Lopez game para mapanatili ang paghawak sa liderato sa kanyang 4.5 points matapos ang seven rounds ng Capablanca Memorial 2014 sa Habana Riviera sa La Havana, Cuba.
Naglaro hawak ang itim na piyesa sa ikalawang sunod na laro, nakipagsabayan ang 20-anyos na si So kay Vallejo hanggang mauwi sa draw ang labanan.
Ito ang nagpanatili kay So sa itaas kasunod si top seed Leinier Dominguez Perez ng Cuba na may 4.0 points.
Nakipag-draw rin si Dominguez, ang highest rated player sa torneo mula sa pagiging World No. 10 sa kanyang ELO rating 2768, sa nagdedepensang si Zoltan Almasi ng Hungary sa 38 moves ng Ruy Lopez Berlin sa nasabing 11-day tournament na iniaalay sa namayapang si dating Cuban world champion Jose Raul Capablanca.
Nauwi rin sa draw ang laro nina dating world challenger Vassily Ivanchuk ng Ukraine, ang six-time winner ng annual event, at Cuban Lazaro Bruzon Batista matapos ang 17 moves ng Nimzo-Indian encounter.