Thunder, Pacers lumayo sa 2-1

Binitbit ni Kevin Durant ng Oklahoma City ang bola para sa kanyang layup sa harapan nina Darren Collison at Glen Davis ng Los Angeles Clippers sa Game 3 ng kanilang Western Conference semifinal game.

LOS ANGELES--Umiskor si Kevin Durant ng 36 points, habang nagdagdag ng 23 si Russell Westbrook para pagbidahan ang Oklahoma City Thunder sa 118-112 panalo laban sa Clippers at kunin ang 2-1 bentahe sa kanilang Western Conference semifinals series.

Nag-ambag si Serge Ibaka ng 20 points at may 13 assists si Westbrook para sa Thunder.

Tumipa naman si Blake Griffin ng 34 points, samantalang nagtumpok si Chris Paul ng 21 points at 16 assists sa panig ng Clippers, ang itinayong four-point lead ay natunaw sa fourth quarter.

Nagtala si Sixth Man of the Year Jamal Crawford ng 20 points.

Lumamang ang Oklahoma City sa 113-107 buhat sa turnaround jumper ni Durant sa huling 1:23 minuto at sinundan ito ng three-pointer ni Westbrook.

Nakalapit ang Clippers sa 107-108 agwat mula sa basket ni Griffin.

Nakatakda ang Game Four sa Linggo sa Staples Center.

Sa Washington, kumolekta si Paul George ng 23 points at 8 rebounds para pamunuan ang Indiana Pa­cers sa 85-63 pananaig kontra sa Wizards at iposte ang 2-1 bentahe sa kanilang Eastern Conference semifinal series.

Humakot si Roy Hibbert ng 14 points, 5 rebounds at 3 blocks para sa Pacers.

Ang tres ni George ang naglayo sa Indiana sa 75-58 sa huling tatlong minuto ng laro.

Ang Game Four ay nakatakda sa Linggo sa Wa­shington.

Nagtabla sa 17-17 ang dalawang koponan sa first quarter bago lumamang ang Indiana, 34-33, sa halftime.

Ipinatikim ng Pacers sa Washington ang kanilang pinakamababang playoff iskor na 85-63 sa kasaysayan ng kanilang prangkisa.

Tumapos si John Wall ng 15 puntos at anim na assists, habang kumana naman si Bradley Beal ng 16 puntos para sa Washington.

 

Show comments