MIAMI--Pinabagsak ng Miami ang Brooklyn, habang kinontrol naman ng San Antonio ang Portland simula sa umpisa para kunin ang 2-0 bentahe sa kani-kanilang NBA second-round playoff series.
Kumamada si LeBron James ng 22 points at nagdagdag ng 18 si Chris Bosh para pagbidahan ang Heat sa 94-82 paggupo sa Nets.
Pinayukod naman ng Spurs ang Trail Blazers, 114-97.
Pinantayan ng Miami ang kanilang franchise record na walong sunod na playoff win.
Nag-ambag si Dwyane Wade ng 14 points, samantalang may 13 si Ray Allen para sa Miami.
Naglista naman si Mirza Teletovic ng isang Nets playoff record mula sa kanyang anim na 3-pointers para tumapos na may 20 points mula sa bench.
Nagdagdag si Shaun Livingston ng 15 points kasunod ang tig-13 nina Paul Pierce at Joe Johnson.
Nakatakda ang Game 3 sa Sabado sa Brooklyn.
Lumamang ang Miami ng 2 points sa gitna ng fourth quarter, ngunit ang magkakasunod nilang three-point shots ang naglayo sa kanila sa Brooklyn.
Napasakamay lamang ng Nets ang bola sa huling 1:59 minuto ng laro kung saan nakapagtayo ang Heat ng 10-point lead.
Umiskor naman si Spurs’ forward Kawhi LeoÂnard ng 20 points, habang humakot si Tony Parker ng 16 points at 10 assists sa kanilang panalo laban sa Trail Blazers.
Tumipa si Manu Ginobili ng 16 points, habang may 13 si Marco Belinelli at kumolekta si Tiago Splitter ng 10 points at 10 rebounds para sa tagumpay ng San Antonio sa kanilang best-of-seven series ng Portland.
Gumawa si Nicolas Batum ng 21 points sa panig ng Trail Blazers kasunod ang 19 ni Damian Lillard at 16 ni LaMarcus Aldridge.
Sa Portland gagawin ang Game 3 sa Sabado.