Dahil sa paggiya kina Pacquiao at Provodnikov sa tagumpay Roach hinirang na Trainer of the Year

Las Vegas, Nevada -- Ti­nanggap ni Hall of Fame trainer Freddie Roach ang “Eddie Futch” Trainer of the Year award sa idinaos na 89th Annual BWAA Awards Ceremony.

Ito ay dahil sa ma­ta­gumpay niyang paggiya sa pa­nalo kina Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao at Russian worlds light welterweight titlist Ruslan Provodnikov.

Matapos matalo kina Ti­mothy Bradley, Jr. at Juan Ma­nuel Marquez noong 2012 ay bumangon si Pacquiao para dominahin si Brandon ‘Bam Bam’ Rios sa loob ng 12 rounds sa ka­nilang non-title welterweight fight noong Nobyembre 24, 2013 sa Macau, China.

Niresbakan ng 35-an­yos na si Pacquiao si Bradley via unanimous decision sa kanilang rematch para muling maisuot ang World Boxing Organization (WBO) welterweight crown noong Abril.

Sinabi ni Roach sa ba­gamat nagkakaedad na si Pacquiao ay hindi pa rin nawawala ang lakas at lik­si nito.

Hindi pa nakakaiskor ng KO win si Pacquiao ma­tapos pasukuin si Miguel Cot­to, sinasanay ngayon ni Roach, para sa WBO welterweight title noong 2009. 

Sa kanyang huling wa­long laban ay nagwagi si Pacquiao via decision at dalawang beses natalo.

Ang kanyang timbang sa nasabing mga laban ay mu­la 143 hanggang 147 pounds.

Tumimbang siya ng 147 pounds sa kabiguan ki­na Bradley at Marquez at bu­maba sa 145 sa paggulpi kay Rios at sa rematch kay Bradley.

Tinulungan naman ni Roach ang 29-anyos na si Provodnikov sa ninth-round TKO win laban kay Mike Alvarado para angkinin ang WBO light welterweight crown.

Nauna nang natalo si Pro­vodnikov kay Bradley.

Show comments