Mayweather magreretiro na?

MANILA, Philippines - Kung itutuloy ni Floyd Mayweather, Jr. ang kanyang binabalak ay tila wala na talagang pag-asang mag­kaharap sila ni Manny Pacquiao.

 Sa isang press confe­rence ay nagparamdam ang 37-anyos na si Mayweather, nagdadala ng malinis na 45-0-0 win-loss-draw ring record kasama ang 26 knockouts, ng pagreretiro ma­tapos ang kanilang world wel­terweight unification match ni Marcos Maidana (34-3-0, 31 KOs) sa Linggo sa MGM Grand sa Las Ve­gas, Nevada.

“I’m not really worried about going 50-0,” sabi niya sa mga reporters. “I’m being honest - I be contemplating everyday ... getting out of the sport now. I’m very comfor­table. Very comfortable.”

Tatlong beses bumagsak ang negosasyon para sa Pacquiao-Mayweather super fight.

At kung magiging pinal ang desisyon ng American five-division titlist ay hindi na kailanman maitatakda ang kanilang banggaan ng Fi­lipino world eight-division champion na si Pacquiao.

Sa kanyang laban sa Linggo ay tatanggap si Mayweather ng guaranteed purse na $32 milyon, habang tatanggap si Maidana ng $1.5 milyon.

“If I choose to walk away then I walk away,” ani Mayweather. “It’s just me being a human being. If I feel like walking away then I’m wal­king away.”

Nauna nang sinabi ni May­weather na lalabanan la­mang niya ang 35-anyos na si Pacquiao kapag wala na ito sa poder ng Top Rank Pro­motions ni Bob Arum.

Wala pang naitatakdang laban si Pacquiao matapos resbakan si Timothy Bradley, Jr. noong Abril 14.

 

Show comments