MANILA, Philippines - Nagtulung-tulong sina Rome Dela Rosa, Bobby Ray Parks Jr. at Kevin Alas sa huling limang minuto para itulak ang NLEX Road Warriors sa 71-59 panalo sa Jumbo Plastic Giants sa PBA D-League Foundation Cup kahapon saYnares Sports Arena sa Pasig City.
Nag-init ang tatlong nabanggit na manlalaro matapos ang 51-all tabla para mapakawalan ang 20-9 palitan at ipuwesto na ang NLEX sa quarterfinals sa naitalang ikapitong sunod na panalo.
Ang Giants ay nalaglag sa ikatlong puwesto sa 4-2 karta at nasayang ang naunang magandang laban na ibinigay sa Road Warriors nang tanging si Jeff Viernes na lamang ang gumaganti sa opensa para sa kanilang koponan.
Si Garvo Lanete ay mayÂroong 20 puntos habang sina Alas, Parks at Dela Rosa ay nagsanib sa 31 puntos.
Nasolo ng Cebuana Lhuillier Gems ang ikalawang puwesto matapos kunin ang 74-72 overtime panalo sa Boracay Rum Waves sa kanilang bakbakan.
Nakalusot si Marcy Arellano ng isang undergoal stab sa huling 3.8 seÂgundo habang sablay ang sana ay panablang attempt ni Rudy Lingganay para manalo sa ikalimang pagkakataon ang Gems matapos ang anim na laro.
Si Riego Gamalinda ang nagpatabla sa laro sa isang tres, 59-all, at ang Waves ay bumigay para bumaba sa 3-2 baraha.
Tinapos ng Big Chill Superchargers ang tatlong sunod na pagkatalo sa 68-54 pananaig sa Cafe France Bakers
May 13 puntos at 11 assists si Brian Heruela para sa Superchargers na gumamit ng malakas na panimula upang ipatikim sa Bakers ang pang-apat na pagkatalo sa anim na laro.