Jaworski balik Ginebra?

Robert Jaworski

MANILA, Philippines – Matapos maagang magbakasyon ang Barangay Ginebra San Miguel sa Commissioner's Cup ng PBA, kumalat ang mga haka-hakang magbabalik ang living legend na si Robert Jaworski bilang head coach.

Kumalat ang balitang hinihikayat na ni Ramon S. Ang ng San Miguel Corporation ang icon ng Ginebra na tulungan ang koponan, pero ngayon pa lamang ay pinabulaanan na ito ng PR man at kadikit ni Jaworski na si Reli De Leon.

"Let's just wait what will come next. Bobby (Jaworski) is still in the United States. The last time RSA (Ramon S. Ang) and Jaworski met was last Jan. 14. And they didn't discuss any comeback plan at that time," pahayag ni De Leon sa Philstar.com ngayong Huwebes. "They didn't have the chance to meet again after that."

Matapos ang runner-up finish nitong Philippine Cup ay nangulelat ang Ginebra na tumapos sa ikawalong puwesto nang pagbakasyunin agad ng top-seeded na Talk 'N Text.

Kaugnay na balita: Talk ‘N Text kumunekta sa semis

Noong 2008 pa huling nag-champion ang Ginebra kaya naman marami ang nadidismaya sa nangyayari sa pinakasika na koponan ng bansa.

Kahapon ay inilabas ni team captain Mark Caguiao ang kanyang galit sa mga “walang pusong maglaro” na mga kakampi. Inihayag ni Caguiao sa Twitter ang kanyang pagkadismaya .

“Dati rati kinakatakutan itong team nato at iniilagan pero ngayon lahat ng team gusto kami kalaban ksi mga tamad and sobrang lalambot,” sabi ng dating PBA MVP.

“Let me tell u guys kahit si Phil Jackson mag coach sa ganitong team hindi parin papasok sa semis. Walang mga puso mag laro WALA WALA WALA!”

Nakatakdang bumalik ng bansa si Jaworski sa susunod na linggo ngunit sinabi ni De Leon na walang naka-schedule na meeting ang dating basketbolista.

Sa huli ay umaasa rin ang PR man na mangyari nga ang pinapangarap ng lahat na mapanood muli si Jaworski na nagmamando sa Ginebra.

"As a PBA and Ginebra fan, I have the same hope that it will happen... within this year."

Show comments