Pinoy Cuppers silat sa doubles

MANILA, Philippines - Lumabas ang galing nina Aisam Qureshi at Aqeel Khan nang talunin nila ang tambalan ng mga Fil-Ams na sina Treat Huey at Ruben Gonzales, 7-5, 6-3, 6-2, sa doubles ng Asia/Oceania Zone Group II Davis Cup kahapon PCA Indoor Court sa Paco, Manila.

 Lumutang ang magandang resulta ng matagal na pagtatambal ng dalawang Pakistani upang madomina nila ang ipinagmamalaking pambato ng host Pilipinas para manatiling buhay ang hangarin manalo sa tagisan.

 Ito ang unang panalo ng bisitang koponan para tapyasan sa 2-1 ang kalamangan ng Pilipinas sa best of five tie.

Ang pokus ngayon ay ang magaganap na rever­sed singles na magsisimula sa ganap na alas-10 ng umaga.

Si Gonzales ang makakaharap ni Khan at hanap niya ang pormang naghatid ng straight sets panalo laban kay Samir Iftikhar noong Biyernes.

Si Patrick John Tierro na siyang nagbigay ng unang panalo sa bansa sa straight sets laban kay Khan, ang makakasukatan ni Iftikhar.

Puwedeng magpalit ng manlalaro ang mga team  captains ng dalawang panig 30 minuto bago ang takdang laban.

Ito ang lalabas na ikatlong laro ni Gonzales at maaaring bigyan ng pagkakataon si Johnny Arcilla na sariwang sariwa pa.

Hindi na break sina Qu­reshi at Khan sa kabuuan ng labanan.

Nakuha ng Pakistani ang first set nang na-break ang pambansang manla­laro sa 12th game.

Sa second set nag­si­mulang sumama ang tiyan ni Huey at nalimitahan ang kanyang pagkilos upang mapilay pa ang laban ng host netters.

 

Show comments