Wolves natakasan ang Heat sa OT

 Tumitiyempo si LeBron James ng Miami na magkaroon ng pagkakataon laban kay Kevin Love ng Minnesota.

MIAMI - Isinalpak ni Corey Brewer ang isa sa kanyang dalawang free throws sa huling 1.8 segundo sa ikalawang overtime at tinalo ng Minnesota Timberwolves ang Heat 122-121.

Humakot si Kevin Love ng 28 points at 11 rebounds para sa Minnesota, habang may 24 markers si Chase Budinger, 15 si Gorgui Dieng at tig-13 sina JJ Barea at Ricky Rubio, nagtala rin ng 14 assists.

Naimintis ni Ray Allen ang isang jumper sa pagtunog ng final buzzer sa huling posesyon ng Miami, nabigong lamangan ng dalawang laro ang Indiana sa Eastern Conference standings.

Tumipa si LeBron James ng 34 points para sa Heat, nakahugot ng season-high 24 kay Mario Chalmers at 24 din kay Chris Bosh, kasama rito ang  3-pointer sa huling 10.8 segundo na nagtabla sa laro sa ikalawang overtime.

Samantala, kumolekta si Marc Gasol ng 24 points kasunod ang 21 ni Mike Conley na ang 19 ay kanyang iniskor sa second half para buhayin ang tsansa ng Memphis Grizzlies sa playoff mula sa 100-92 panalo laban sa Denver Nuggets.

Nag-ambag si Zach Randolph ng 20 points, tam­pok ang huling 4 points ng Memphis, at humakot ng 15 rebounds.

Gumawa naman si Tay­shaun Prince ng 12 points bago iwanan ang laro bunga ng kanyang ankle injury sa first half, habang may 10 si Courtney Lee para sa Memphis.

Ito ang ika-11 sunod na panalo ng Grizzlies sa Memphis.

Binigo naman ng Brook­lyn Nets ang Detroit Pistons, 116-104, para idiretso ang kanilang home winning streak sa 15 laro.

Diniskaril ng Charlotte Bobcats ang Orlando Magic, 91-80, at ginapi ng Washington Wizards ang New York Knicks, 90-89.

 

Show comments