MANILA, Philippines - Pinalakas ng Rain or Shine ang kanilang tsansa sa quarterfinal round kaÂsaÂbay ng pagsibak sa Globalport.
Dinomina ng Elasto Painters ang Batang Pier mula sa first period patungo sa kanilang 99-75 panalo sa 2014 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Rain or Shine na nagtampok sa bagong import na si Wayne Chism, pumalit kay Alex McLean.
Nalasap naman ng Globalport ang kanilang pang-pitong dikit na kamalasan.
“We’re 3-3. We’re in the middle of the pack. We have three games left and we need to win two of our last three games,†sabi ni head coach Yeng Guiao sa kanilang tsansang makapaÂsok sa quarters.
Mula sa maliit na 29-26 abante sa first period ay lumayo ang Elasto Painters sa 42-31 mula sa basket ng 6-foot-8 na si Chism sa second quarter hanggang ibaon ang Batang Pier sa 80-62 sa 9:46 ng fourth quarter.
Tuluyan nang sinelyuhan ng Rain or Shine ang kanilang panalo matapos iposte ang 19-point lead, 86-67, kontra sa Globalport sa 6:24 ng final canto matapos ang fastbreak basket ni Larry Rodriguez.
Tumapos si Paul Lee na may 21 points, tampok dito ang magandang 5-of-6 shooting sa three-point line, habang nagdagdag si Chism ng 17 markers kasunod ang 13 ni rookie center Raymond Almazan at 10 ni Chris Tiu.
Pinangunahan naman ni balik-import Evan Brock ang Batang Pier sa kanyang 25 points.
Kasalukuyan pang nagÂlalaro ang Talk ‘N Text at ang San Mig Coffee habang isinusulat ito kung saan puntirya ng Tropang Texters ang No. 1 berth na may kasamang ‘twice-to-beat’ incentive sa quarters.