No. 1 seat sa quarters asam ng Texters; Painters ipaparada naman si Chism

 MANILA, Philippines - Matapos ang pitong araw na pahinga ay mu­ling paiinitin ng Talk ‘N Text ang kanilang arangkada sa 2014 PBA Commissioner’s Cup.

Sasagupain ng Tropang Texters ang San Mig Cof­fee Mixers ngayong alas-8 ng gabi sa Smart Ara­neta Coliseum.

Sa unang laro sa alas-5:45 ng hapon ay ipaparada naman ng Rain or Shine ang bagong import na si Wayne Chism sa pagharap sa Globalport.

Ang 6-foot-8 na si Chism ang ipinalit ng Elasto Painters kay Alex McLean.

Alam ni Talk ‘N Text head coach Norman Black ang kapasidad ng San Mig Cof­fee ni mentor Tim Cone.

“Major concerns will be for us to get back on de­fense especially off turnovers,” wika ni Black. “We must also have a high ener­gy level off the boards, be­cause they are a good re­bounding team.”

Ang panalo ng Tropang Texters laban sa Mixers ang magbibigay sa kanila ng No. 1 seat, may bitbit na ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinal round.

Nanggaling ang Talk ‘N Text sa 94-87 panalo kontra sa Barangay Ginebra no­ong Marso 23.

Namantsahan naman ang dating malinis na 3-0 baraha ng San Mig Coffee matapos sumuko sa Ba­rako Bull, 90-92, noong Mar­so 25.

Itatapat ng Tropang Tex­ters si import Richard Ho­well kay reinforcement James Mays ng Mixers.

Sa unang laro, umaasa naman si coach Yeng Guiao na makakadiretso sa dalawang panalo ang kan­yang Rain or Shine la­ban sa Globalport sa pamamagitan ng pag­bandera kay Chism.

Umiskor ang Rain or Shine ng 96-79 panalo laban sa Meralco noong Mar­so 26 kung saan humakot si McLean ng 23 points at 16 rebounds para sa kanyang huling laro.

Ang dating Tennessee University standout na si Chism ay nagtala ng mga ave­rages na 20.7 points, 10.1 rebounds at 2.5 blocks sa 16 laro para sa Kaposvari team sa Hungary.

Nauna nang naglaro si Chism sa Barako Bull sa pre-season bago siya ina­yawan ng Energy Cola ma­tapos madiskubreng may problema siya sa kontrata sa Kaposvari.

At nang maresolba ang naturang suliranin ay ang Elasto Painters ang kumu­ha kay Chism.

 

Show comments