Zamar, UE naghiwalay na

MANILA, Philippines - Pormal na inanunsyo ka­hapon ng pamunuan ng University of the East ang pagtanggal sa kanilang head coach na si David Zamar.

Sa Abril 1 magkakaepekto ang paghihiwalay ng landas ni Zamar at ng Red Warriors.

Sa kalatas na ipinalabas ni UE EVP at Chief Financial officer Carmelita G. Mateo, sinabi niya na kailangan ng Warriors ang isang head coach na magbibigay ng kanyang lubusang oras sa koponan.

Mahalaga ang Season 77 ng UAAP sa UE dahil ang paaralan ang tatayong host ng liga.

“UE management feels that the Warrrios’ head coach must be one who will handle the team full-time, one without commitments to other teams,” pahayag ni Mateo na siya ring uupong pangulo ng UAAP.

Hindi lamang si Zamar ang pinakawalan ng kopo­nan kundi pati ang kanyang mga assistant coaches.

Bukod sa paghawak sa UE, si  Zamar na naging man­lalaro ng Red  Warriors at hinawakan din ang koponan sa UAAP mula 2001 hanggang 2004, ay head coach din ng Cebuana Lhuillier sa PBA D-League at assistant coach pa ng San Miguel Beer sa PBA.

Nabalik si Zamar bilang head coach matapos ang pagbibitiw ni Jerry Codiñera noong Season 75 matapos ang 1-6 panimula.

Mataas ang ekspek­tasyon sa Warriors sa natapos na season dahil nagkampeon ang koponan sa isang pre-season tournament.

Tumibay ang puwersa ng koponan dahil sa pagka­karoon ng 6’7 center na si Charles Mammie pero nagtala lamang ng 7-7 baraha ang Warriors at nalagay lang sa ikapitong puwesto.

Sa halos isa’t-kalaha­ting taon na pagiging coach ni Zamar sa UE, ang Warriors ay nagtala lamang ng 9-12 win-loss record. (AT)

Show comments