Beermen sinipa na si Boone Pocket tournament para sa Gilas panukala ni Non

MANILA, Philippines - Isang pocket tournament para sa Gilas Pilipinas pagkatapos ng kasaluku­yang PBA season.

Ito ang panukala ni San Miguel Corp. official Ro­bert Non para sa Nationals imbes na pasalihin ito sa da­rating na 2014 PBA Go­ver­nors’ Cup.

Sinabi ni Non na hindi na kailangang baguhin ang format ng nasabing season-ending tournament para palahukin ang Gilas Pilipinas na naghahanda sa 2014 FIBA World Cup sa Spain at sa Asian Games sa Incheon, Korea.

“Let’s not touch anymore the season format. Let’s make it simple by hol­ding perhaps a four-team tourney involving Gilas plus two different PBA selections and a foreign team. The theme could be ‘beat Gilas,’” wika ni Non.

Nangangamba si Non ukol sa pagkakabilang ng Gilas team sa 2014 PBA Governors Cup matapos ang partisipasyon ng Gilas Pilipinas I noong 2009-10 PBA Philippine Cup.

Matapos ang tatlong laro ng Nationals ay binago ng PBA ang set-up ng pagsali ng koponan sa torneo nang makatanggap ng reklamo buhat sa mga governors dahil sa paraan ng paggamit ni coach Rajko Toroman sa dating natura­lized player na si CJ Giles.

Kinuwestiyon ng governors ang paggamit ni Toroman kay Giles ng limang minuto sa kanilang laro ng Talk ‘N Text na tinalo ang Nationals, 103-70. Ang naturang laro ay idineklara ng liga na ‘non-bea­ring’.

Noong Huwebes ay ipinanukala ni PBA board chairman Ramon Segismundo ang pagpapalaro sa Gilas Pilipinas bilang ika-11 koponan sa season-ending Governors Cup.

Samantala, noong Linggo ang pinakahuling laro ni import Josh Boone para sa Beermen sa 2014 PBA Commissioner’s Cup.

Inihayag kahapon ni San Miguel Beer team manager Gee Abanilla ang pagpapauwi nila kay Boone para sa bagong hugot na si Kevin Jones.

Sa 112-96 paggiba ng Beermen sa Ginebra Gin Kings noong Linggo ay humakot ang 6-foot-9 na si Boone ng 32 points, 21 rebounds, 3 assists at 2 shotblocks.

Sa kabila ng pagtulong niya sa San Miguel Beer na maitayo ang 2-0 record katabla ang Talk ‘N Text sa liderato ay sinibak pa rin siya ng Beermen.

 

Show comments