MANILA, Philippines - Nakauna sa talunan si Elvin Yunuszade kontra sa Azkals defender na si Rob Gier para bigyan ng 1-0 panalo ang Azerbaijan laban sa Azkals sa international friendly game noong Miyerkules ng gabi sa Moktoum Bin Rashid Al Maktoum Field sa Dubai.
Sa 26th minuto nangyari ang play at naunang lumundag ni Yunuszade kay Gier at nakalusot ang header sa depensa ng Azkals goalie na si Patrick Deyto.
Ito lamang ang naging iskor ng laro dahil tumibay ang depensa ng dumaÂyong nationals habang hindi nabasag ng mga atake ng Azkals ang depensa ng home team.
Pinakamagandang tsanÂsa para sa Azkals na makatabla sa laro ay nang naka-header si Patrick Reichelt. Pero miÂnalas na tumama ang bola sa kamay ni Kamran Agayev para maunsiyami ang sana’y unang goal ng Pilipinas sa dalawang international friendly game na hinarap ng koponan.
Naunang hinarap ng Azkals na hawak ng baÂgong coach na si Thomas Dooley ang Malaysia at nauwi ito sa scoreless draw (0-0).
Natalo man ay nakuha ng Pilipinas ang respeto ng Azerbaijan dahil inasahan na malaki ang panalong maitatala ng nasabing koponan dahil sila ang home team at may mas mataas na FIFA ranking.
Ang Azerbaijan ay 93rd sa mundo habang ang Azkals ay nasa 127th base sa ranking ng international football body noong PebÂrero 13.
Ang mga international friendly matches na ito ay bahagi sa paghahanda ng Azkals para sa AFC Challenge Cup sa Malvides sa Mayo.
May isa pang nakalinya na laro ng koponan na gagawin sa Nepal ayon sa GoalNepal.com.