MANILA, Philippines - Tiniyak ni Gilas national basketball team coach Chot Reyes sa Congress Justice Committee ang buong pusong paglalaro ni Brooklyn Nets center Andray Blatche para sa bansa at ang hangarin nitong maging isang Filipino naturalized citizen.
Ginawa ito ni Reyes sa pagtalakay sa House Bill No. 3783 ni Rep. Robbie Puno ng Antipolo City kamakalawa sa Batasan sa Quezon City.
Iniurong naman ang isang panukala para sa naturalization ni Denver Nuggets center JaVale McGee sa ilalim ng House Bill No. 3784 para unahin ang aplikasyon ni Blatche.
Nakasama ni Reyes sa pagdalo sa sesyon sina assistant coach Joseph Uichico, team manager Aboy Castro at naturalized player Marcus Douthit.
Tinalakay din ang isiÂnampang House Bill No. 2342 para sa naturalization ni boxing referee Bruce McTavish mula sa panukala ni Rep. Yeng Guiao (1st District, Pampanga).
Ipinaliwanag ni Committee chairman Rep. Neil Tupas, Jr. (5th District, Iloilo) na ang naturalization ay maaaring ibigay sa ilalim ng batas na nakasaad sa Commonwealth Act No. 473.
Sinabi ni Tupas na para aprubahan ng Congress ang naturalization, dapat nitong patotohanan na makakatulong ito sa bansa at handa nitong yakapin ang kulturang Filipino.
Nakatakdang dumaÂting si Blatche sa bansa sa Hunyo 15.
Idinagdag pa ni Reyes na payag si Blatche na maglaro para sa Gilas sa darating na FIBA World Cup sa Spain sa Agosto 30 hanggang Setyembre 14 at pati na sa Asian Games sa Incheon sa Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Pipili si Reyes kung sino kina Blatche at Douthit ang tatayong naturalized player.