Heat, Lebron pinalamig ng Rockets

HOUSTON - Sinaman­tala ng Rockets ang pananamlay ni LeBron James matapos kunin ang 106-103 panalo laban sa Miami Heat.

Kumolekta si center Dwight Howard ng 22 points at 16 rebounds, habang nagdagdag si James Harden ng 21 points para sa tagumpay ng Rockets.

Naimintis ni James ang kanyang three-pointer sa pagtunog ng final buzzer na siya sanang nagtabla sa Heat.

Umiskor si James ng 19  points sa halftime, ngunit tila matamlay sa second half at inubos ang kanyang unang mga minuto sa fourth quarter sa bench.

 Tumapos ang four-time MVP na may 22 points, isang gabi matapos iposte ang club record mula sa kanyang career-high 61 points laban sa Charlotte Bobcats.

Ang tres ni Michael Beasley sa huling 21.2 segundo ang siyang nagdikit sa Heat.

Tumapos sina Beasley at Dwyane Wade na may tig-24 points para sa Miami.

Sa Los Angeles, naglista si Anthony Davis ng 28 points at 15 rebounds, habang may 28 points si Eric Gordon para banderahan ang New Orleans Pelicans sa 132-125 panalo laban sa Los Angeles Lakers.

Winakasan ng Pelicans ang kanilang eight-game losing slump sa paggupo sa Lakers.

Humugot si Brian Ro­berts ng 10 sa kanyang 19 points sa fourth quarter para sa New Orleans.

Sa Indianapolis, nagsalpak si Klay Thompson ng isang 12-foot turnaround jumper sa natitirang 0.6 se­gundo para itakas ang Golden State Warriors, sa Indiana, 98-96.

Umiskor si Thompson ng 16 sa kanyang 25 points sa huling 12 minuto para pamunuan ang Warriors kontra sa Pacers.

Sa iba pang laro, pina­bagsak ng San Antonio Spurs ang Cleveland Cava­liers, 122-101 at  nasilat ng Golden State Warriors ang Indiana Pacers.

 

Show comments