MAASIN City, Leyte - Hinirang ang Bago City at ang ALA Gym bilang co-champions matapos kumuha ng tig-tatlong gold medals, tig-isang silver at tig-isang bronze medals sa pagwawakas ng PLDT-ABAP Visayas Area Boxing Championships noong Linggo sa Maasin City gym.
Ang panalo ni Jasper Montano kontra kay ALA Gym bet Vicente Casido sa Youth Boys Lightweight division ang nagbigay sa Bago City ng ikatlong gintong medalya nito na pumigil sa hangarin ng Talamban, Cebu City-based boxing gym na makuha ang overall title.
Isang hard left ang naikonekta ni Montano sa mukha ni Casido sa first round na nagtuluy-tuloy sa kanyang 3-0 pananaig.
Ang dalawa pang nagbigay ng gold medal para sa Bago City ay si Cresan Paul Diacamos, tinalo si 2013 national gold me-dalist Junrel Jimenez ng Cebu City, 2-1, sa Youth Boys Flyweight category, at si Mario Jaga Jr., umiskor ng isang TKO win sa first round kontra kay local boy Marlon Samblaceno ng Maasin City sa Jr. Boys Light Bantamweight gold.
Naghari si Jeffrey Estella sa Jr. Boys Bantamweight, habang si Kenneth Paul Gentallan ang namayani sa Youth Boys Flyweight at dinomina ni Kevin Jake Cataraja ang Youth Boys Bantamweight division para sa ALA Gym.
Dalawang ginto naman ang inangkin ng Cebu City mula kina Marco Pomar (Jr. Boys Light flyweight) at Kit Ceron Garces (Jr. Boys bantamweight) at ang tatlong pilak ay nagmula kina Jimenez, Jeorge Edusma (Youth Boys bantamweight) at Marvin Pomar (Jr. Boys Pinweight).
Isang gold medal ang nakamit ng host team Maasin City galing kay Romie Evale (Jr. Boys Pinweight) bukod pa sa kanilang 3 silvers at 6 bronze medals.