Pirma na lang ang kulang para sa Nietes-Fuentes rematch

MANILA, Philippines - Kontrata na lamang ang kailangang at tuluy na tuloy na ang rematch sa pagitan nina Donnie Nietes at Moises Fuentes para sa WBO light flyweight title.

Ang dalawa ay nagtuos noong Marso 2, 2013 sa Cebu City at nauwi ang laban sa majority draw upang manatiling suot ni Nietes ang titulo.

Masakit man ay tinanggap ni Fuentes ang kabiguang agawin ang titulo pero sinabi niya bago umuwi ng ng Mexico ang pagnanais sa isang rematch.

Ang kahilingan ay ma­lapit ng mangyari dahil nag­­kasundo na ang ALA Pro­motion sa pangunguna ng pangulong si Michael Aldeguer at ang Zander Pro­motion na hawak si Fuen­tes, na pagtapatin uli ang dalawa.

Ikinalendaryo na ang rematch sa Mayo 10 sa Mall of Asia Arena sa Pasay City at ang pinirmahang kontrata ni Fuentes ang hinihintay para pormal na maianunsyo ang laban.

Kahit wala pang opisyal na katunggali si Nietes ay nasa kasagsagan na ng paghahanda at nasa US siya para magsanay.

Ito ang rutang ginawa kay Genesis Servania at na­katulong ito nang talunin sa pamamagitan ng 12th round knockout si dating world champion Alexander Muñoz ng Venezuela na ginawa noong Sabado.

May 32-1-4 (18KOs) ang 31-anyos na si Nietes at bumangon siya sa kontrobersyal na desisyon laban kay Fuentes sa pamamagitan ng third round TKO panalo kay Sammy Gutierrez noong Nobyembre sa Smart Araneta Coliseum.

Sa kabilang banda, si Fuentes ay nagwagi kina Gerardo Verde, Luis Dela Rosa at Omar Salado para makalimutan ang paglasap ng kauna-unahang pagka­talo kay Nietes.

 

Show comments