OKLAHOMA City--Ibinagsak ni Kevin Durant ang 30 sa kanyang 37 puntos sa second half para kunin ng Thunder ang 113-107 panalo sa Memphis Grizzlies.
May 10-of-15 shooting si Durant at naipasok ang walong free throws sa laro.
Naghatid ng 21 puntos at anim na assists si Russell Westbrook sa 28 minutong paglalaro habang sina Serge Ibaka at Reggie Jackson ay nag-ambag ng 16 at 14 puntos para sa Thunder na tinapos ang tatlong sunod na pagkatalo.
Sa San Antonio, nagsalpak ng 17 puntos at 16 rebounds si Tim Duncan habang sina Manu Ginobili, Marco Belinell, Patty Mills at Kawhi Leonard ay gumawa ng hindi bababa sa 12 puntos at ang Spurs ay umukit ng 92-82 tagumpay sa Charlotte Bobcats.
Ang 15-footer ni Duncan sa huling 1:43 ng labanan ang nagbigay ng 82-80 kalamangan sa Spurs para tuluyang iwanan ang Bobcats na humugot ng 20 puntos kay Al Jefferson.
Sa Los Angeles, hindi man kabilang sa starters ay nakagawa pa rin si Jordan Farmer ng career-high 30 puntos para tulungan ang Lakers sa 126-122 panalo sa Sacramento Kings noong Biyernes.
Mainit ni Farmer sa 3-point line nang kumonekta ng walo sa sampung pinakawalan para panÂtayan din ng Lakers ang franchise-record na 19 triples.
Si Jodie Meeks ay hindi sumablay sa walong tira, kasama ang tatlong three-pointers, tungo sa 22 puntos habang ang bagong hugot na si MarShon Brooks at Pau Gasol ay tumapos taglay ang 23 at 22 puntos.
Labanan ito ng dalawang nangungulelat sa Western Conference pero naipakita ng Lakers ang magandang porma matapos gumawa ng 60 percent shooting.
Ito na ang ikatlong sunod na panalo sa head-to-head ng Lakers at Kings ngayong season at ang huling pagtutuos ay gagawin sa Abril 2 sa Sacramento.
Sa iba pang laro, nanaig ang Cleveland Cavaliers sa Utah Jazz, 99-89; hiniya ng Golden State Warriors ang New York Knicks, 126-103 at pinataob ng Chicago Bulls ang Dallas Mavericks, 100-91.