16 players ng Gilas pinangalanan na

MANILA, Philippines – Inilabas na ni Gilas Pilipinas coach Chot Reyes ang 16-man national pool na isasabak sa FIBA World Cup sa Espana sa Agosto.

Kabilang sa pool ang mga naglaro sa 2013 FIBA Asia Championship na sina Jimmy Alapag, LA Tenorio, Jayson Castro, Larry Fonacier, Jeff Chan, Gabe Norwood, Gary David, Ranidel Ocampo, Marc Pingris, Japeth Aguilar, Junemar Fajardo at naturalized player Marcus Douthit.

Kabilang din ang dalawang big man na sina Beau Belga ng Rain or Shine at rookie Greg Slaughter ng Barangay Ginebra.

Muli namang napabilang sina dating gilas players Marcio Lassiter, Jared Dillinger, habang bagong salta sina Paul Lee at ang Brooklyn Nets reserve na si Andre Blatche na nag-aantay na maisabatas ang naturalization.

“I would like to acknowledge the team owners and the PBA Board of Governors for allowing me to name the players in the pool. I would like to thank the PBA for its continued partnership to the national team effort,” pahayag ni Reyes.

Magsisimula na sa Lunes, Marso 3, ang kanilang unang ensayo ganap na alas-8 ng gabi sa Philsports Arena.

Matapos ang ilang taon ay muling nakabalik sa World Stage ang Pilipinas nang makopo ang silver medal finish sa FIBA Asia championship nitong Agosto.

Nasa group B ang Pilipinas sa FIBA World Cup kung saan makakalaban nila ang mga bansang Senegal, Puerto Rico, Argentina, Greece at Croatia.

Show comments