Richard Gomez pasok sa National team

MANILA, Philippines - Inaasahang maisusulat ang kasaysayan sa paghirang ng Philippine Volleyball Federation (PVF) sa unang national men’s team matapos ang ilang taong pagkakahimbing.

Ihahayag ng PVF ang bagong national squad sa Marso 9 matapos piliin ni national coach Francis Vicente ang bubuo dito mula sa 30 atletang inanyayahang sumali sa tryouts na kasalukuyang ginagawa sa Rizal Memorial Arena.

Kabilang sa inaasa­hang maibibilang sa lista­han ay si actor-sportsman Richard Gomez, ang volleyball ambassador ng Phi­lippine Superliga (PSL), na gagawa ng kasaysayan bilang tanging Filipino athlete na nakasama sa apat na national team sa magkakaibang sports disciplines.

Binubuo ni Vicente ang koponan para sa pamamahala ng bansa sa 2014 PLDT HOME Fibr Asian Men’s Volleyball Club Championship (AMCC) na idaraos sa tatlong magkakaibang venues sa Metro Manila.

Naunang lumahok si Gomez sa national rowing team noong 1990s bago lumipat sa national fen­cing team kung saan siya nakapagbigay ng bronze sa Southeast Asian Games noong 1995 sa Brunei.

Nasundan ito ng kanyang dalawang silver no­ong 1997 sa Jakarta, isang silver noong 2001 sa Malaysia, isang gold medal no­ong 2003 sa Vietnam at noong 2005 sa Manila.

Naging shotgun entry din si Gomez sa shooting noong 2005 SEA Games sa Manila kung saan siya tumapos bilang ikaapat.

“Gomez would be a welcome addition to the new national team. Aside from his leadership, his experience playing the three national teams will be a big factor for the team,” ani AMCC Organizing Committee Chairman Philip “Ella” Juico, ang dating chair­­man ng Philippine Sports Commission (PSC).

Ang event ay kapwa inoorganisa ng SportsCore, may impresibong background sa pangangasiwa sa mga international events.

Ang TV5 ang official broadcast partner ng AMCC na siyang magsasaere ng lahat ng laro ng Philippine Team.

Ihahatid naman ng Signal sa mga volleyball fans ang live streaming ng mga laban, habang ang PLDT ang magbibigay ng technical support at ang title sponsor na PLDT Home Fibr ang magbabahagi ng broadband.

 

Show comments