Servania may patutunayan vs Muñoz

MANILA, Philippines - Ituturing ni Filipino super bantamweight prospect Genesis ‘Azukal’ Servania bilang isang ‘championship fight’ ang kanyang pagsa­gupa kay dating world champion Alexander ‘El Explosivo’ Muñoz sa Pinoy Pride XXIV ‘The Future is Now’ sa Marso 1 sa Solaire Resort and Casino sa Parañaque City.

“Isang dating world champion si Muñoz, kaya para na rin itong isang world championship fight para sa akin,” wika ni Servania kahapon sa PSA sports forum sa Shakey’s sa Malate, Manila.

Paglalabanan nina Servania at Muñoz ng Ve­nezuela ang World Boxing Organziation (WBO) Intercontinental super bantamweight crown.

Kasalukuyang tangan ng 22-anyos na si Servania ang malinis na 23-0-0, win-loss-draw ring record kasama ang 9 knockouts, samantalang bitbit ng 35-anyos na si Muñoz ang 36-5-0 (28 KOs) card.

 Nakatakda ring labanan ni ‘King’ Arthur Villanueva (24-0-0, 14 KOs) si Fernando Aguilar (9-6-0 (1 KO) ng Mexico sa super flyweight class at sasagupain ni ‘Prince’ Albert Pagara (18-0-0, 12 KOs) si Isack Junior (22-4-2, 8 KOs) ng Indonesia.

Show comments