Back-2-back sa Ateneo sa UAAP baseball

MANILA, Philippines - Napagtagumpayan ng Ateneo na madagit ang pangalawang sunod na kampeonato sa UAAP ba­seball sa kumbinsidong 8-3 panalo sa La Salle sa Game Two kahapon sa Rizal Memorial Diamond.

‘Di tulad sa 10-8 panalo na umabot sa  extension sa unang pagkikita, nagpamalas agad ng bangis ang Eagles nang kanilang naikampay ang mga pakpak para hawakan ang 8-0 kalamangan matapos ang anim na innings.

Si Miguel Dumlao na pangalawang pitcher ng Eagles  ang siyang nakitaan ng tikas sa pagpukol nang hindi paiskorin ang Archers sa unang anim na innings.

Nakakapanghinayang na pagtatapos ang nangyari sa La Salle dahil nabigo silang pangatawanan ang pagiging number one team matapos ang elims.

Samantala, namuro ang Adamson sa four-peat sa softball sa 11-3 pananaig sa National University na siyang unang laro kahapon.

Binasag ng homerun ni Clariz Palma ang 3-3 tabla para lumapit sa isa pang panalo ang tropa ni coach Ana Santiago tungo sa ika­apat na sunod na titulo sa liga.

May 47-game winning streak din ang Adamson sa panalong ito at asahan na ibibigay pa ang lahat ng  makakaya para daigin ang NU sa ikalawang tagisan sa Biyernes.

Show comments