Orcollo tinumbok ang titulo sa Swanson 9-Ball tourney

Dennis Orcollo

MANILA, Philippines - Sa ikalawang pagkikita ay inilabas ni Dennis Orcollo ang husay ng pag­lalaro para itakas ang 11-5 panalo kay Mika Immonen ng Finland at pagharian ang 18th Jay Swanson Memorial 9-Ball Tournament na natapos kamakailan sa Hard Times Billiards sa Bellflower, California.

Hindi binigyan ng Filipino pool player si Immonen nang anumang pagkaka­taon sa race-to-11 finals para maipaghiganti rin ang 6-7 pagkatalo sa tagisan ng dalawa para sa ‘hot seat.’

Halagang $3,000.00 ang naibulsa ni Orcollo at pinalawig niya sa dalawang sunod na taon ang dominasyon sa kompetisyong nilahukan ngayon ng 182 manlalaro.

Ito rin ang ikalimang panalo ngayon ni Orcollo matapos dominahin ang Derby City Master of the Table, 9-Ball Banks at 14.1 Challenge bukod sa TAR 38.

Para maabot ang kampeonato, tinalo ng tubong Bislig, Surigao del Sur sina Brad Merrill (US), Mark Ballin (US), Scott Slayton (US), Ross Fregosa (US), ang kababayang si Carlo Biado, Miza Estrado (US) at Hunter Lombardo (US).

Bumangon siya sa pagkatalo kay Immonen para sa ‘hot seat’ laban kay Biado sa 7-5 iskor para pagharian ang loser’s side.

Ang dagdag na $3,000 ang nag-ak­yat sa total winnings ng 35-anyos na si Orcollo sa $44,350 upang manatili sa ikalawang puwesto kasunod ni Gareth Potts ng Great Britain sa kanyang $58,150 premyo.

May $1,500.00 premyo si Immonen habang si Biado, na tulad ni Orcollo ay naglalaro para sa Bugsy Promotions ay nakontento sa $1,000 premyo.

Show comments