NLEX nakauna sa finals; Big Chill humirit ng game 3 sa Blackwater

   Nag-unahan sa rebound sina Jansen Rios ng Hogs Breath at Jake Pascual ng NLEX sa Game 1 ng kanilang best-of-three semifinals series sa PBA D-League. (PBA Image file photo)  

MANILA, Philippines - Itinala ng NLEX ang ka­nilang ikalimang pagtapak sa finals nang kalusin ang baguhang Hog’s Breath Cafe, 85-72, sa PBA D-League Aspirants’ Cup se­­mifinals kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Si Garvo Lanete uli ang nanguna sa Road Warriors sa kanyang 16 puntos pero naroroon ang suporta nina Matt Ganuelas at Jake Pascual para magdomina ang nagdedepensang kam­peon mula sa simula hanggang sa natapos ang labanan.

Naghatid ng 14 puntos si Ganuelas na kinatampu­kan ng 5-of-8 shooting habang double-double na 11 puntos at 10 rebounds ang ibinigay ni Pascual.

Umarangkada agad ang NLEX sa 20-8 at nagpakalayu-layo ng hanggang 32 puntos, 76-44, para makumpleto ang 2-0 sweep sa best-of-three series.

“I’m glad that this is over. Now we can rest and start preparing for the Finals,” wika ni NLEX coach Boyet Fernandez.

Maghihintay pa ang Road Warriors hanggang sa susunod na Martes para malaman ang makakatunggali sa kampeonato dahil naihirit ng Big Chill ang 95-84 panalo sa Blackwater Elite.

Isang 32-14 palitan sa second period ang tumabon sa 23-26 iskor at nakita ang Superchargers na lumayo ng 15, 55-40, sa halftime.

“I though our defense was the key,” pahayag ni Big Chill coach Robert Sison na tinutukoy ang paglimita sa Elite sa 6-of-17 shooting sa pangalawang yugto ng labanan.

Si Dexter Maiquez ay mayroong 25 puntos habang sina Juneric Baloria at Jeckster Apinan ay may tig-13 at karamihan dito ay ginawa noong lumayo na ang second seed na Big Chill.

Tabla sa 1-1 ang kani­lang serye at ang deci­ding Game 3 ay sa Martes.

May 21 at 20 puntos sina Allan Mangahas at Narciso Llagas pero ang nagbida sa 84-72 panalo sa unang tagisan na si Jericho Cruz ay nagkaroon lamang ng apat na puntos sa larong ito.

 

Show comments