GTK kinondena ang panggigipit ni Gomez

    PSC Commissioner Jolly Gomez, PATAFA chief Go Teng Kok

MANILA, Philippines - Inakusahan ni Go Teng Kok si PSC commissio­ner Jolly Gomez na hindi ma­ka­tarungan matapos alisan ng suweldo ang kanyang dalawang National coaches na sina Joseph Sy at Rosalinda Hamero.

Sa isang statement na ipinalabas ng PATAFA pre­sident, inakusahan niya si Gomez na pinapaboran si American coach Ryan Flaherty na kanyang ipinapasok para maging coach ng asosasyon kaya’t tinanggal sina Sy at Hamero.

“Why are you carrying a grudge to our local athletics coaches to please and place your American coach? That foreign coach did neglect of duty more than our local coaches who have proven in helping give honors to our country,”  wika ni Go.

Si Flaherty ay kinuha ni Gomez, ang commissio­ner-in-charge sa athletics, para tumulong sa paghahanda ng koponan para sa Myanmar SEA Games.

Umani ng anim na ginto ang PATAFA para ma­ging produktibong NSA sa SEAG pero nilinaw ni Go na walang kinalaman sa nakuhang tagumpay si Flaherty.

Ayon kay Go, sinasa­huran ng PSC si Flaherty ng $2,000.00 (halos P200,000.00) kada buwan bukod pa sa living allo­wance na P20,000.00 pero mas madalas ito sa US sa halip na sa bansa para saksihan ang pagsasanay.

Sina Sy at Hamero ay tumatanggap ng buwanang sahod na P20,000.00 sa PSC.

“Coach Sy and Ha­mero stayed in Manila but returned to camp more often than Flaherty who spend most of his time in the US. But never did Gomez scold him. Why so rude to our local coaches? Where is justice here?” dagdag ni Go.  

Isiniwalat pa ni Go na noong nagkakausap pa sila ni Gomez ay sinabi nito na hindi nila babayaran si Flaherty at allowance lamang na $1,000.00 kada buwan ang kanilang ibibigay dito kaya’t laking gulat niya nang nalaman na sobrang laki ang ibinabayad ng PSC sa kanyang serbisyo.

Dahil sa hindi makataong pagtrato sa kanyang mga coaches na naihayag din ni Go ang kahandaan na mangunguna para sa pangangalap ng lagda upang mapatalsik sa puwesto si Gomez.

Naniniwala si Go na marami siyang makukuhang suporta kapag pina­gulong ang plano dahil marami umanong NSAs na hawak ni Gomez ang nagrereklamo dahil sa pakikialam nito sa pamama­la­kad ng kanilang sports. (AT)

Show comments