MANILA, Philippines - Lilipat sa mga lugar sa Visayas ang Pinoy Sports na layunin ay patuloy na palawigin ang kaalaman at interes sa mga ethnic sports.
Ang mga lugar ng Bohol, Samar, Ormoc, Iloilo, Bacolod, Cebu at Tacloban ang mga dadayuhin sa Pebrero ng proyekto na inorganisa ng Yellow Ribbon Movement (YRM) at pinopondohan ng Philippine Charity Sweepstakes Office.
Naunang isinagawa ang programa sa Quezon City Memorial Circle at Rizal Park at dinagsa ito ng mga bata at kanilang magulang.
Mismong ang PCSO board sa pangunguna ni ChairÂman Margie Juico ang may gusto na isagawa ang programa sa Visayas partikular na ang mga lugar na naapektuhan ng lindol at super typhoon Yolanda upang matulungan ang mga nabiktima na makalimutan ang epekto ng delubyo na dumapo sa kanila.