Quarters kinumpleto ng Blackwater Sports

Laro Bukas

(The Arena, San Juan City)\

2 p.m. Big Chill vs Hog’s Breath Café

4 p.m. NLEX vs Zambales M-Builders

 

MANILA, Philippines - Nagpakawala agad ng 31 puntos sa unang yugto ang Blackwater Sports para makapagtala ng 18 puntos kalamangan  tungo sa 96-74 panalo sa Cebuana Lhuilier at okupahan ang ikaanim at huling upuan patungong quarterfinals sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Tinapos ng Foundation Cup champion Elite ang elimination round bitbit ang 8-5 baraha para makapantay ang Café France sa ikaanim na puwesto.

Pero dahil umani ang Blackwater ng 87-82 pa­nalo sa overtime sa kanyang pagtutuos, umabante sila sa Bakers dahil sa winner-over-the-other rule.

Makakasukatan ng Elite ang Jumbo Plastic (10-3) at kailangan nilang ta­lunin ng dalawang beses ang number three team.

Ang number three at four teams matapos ang single round elimination ay magtataglay ng twice-to-beat advantage sa crossover quarterfinals.

Ang Hog’s Breath ay makikipagtuos sa semifinalist ng Big Chill bukas pero sila na ang kukuha sa number four spot kahit matalo pa sa nasabing laban at makatabla ang Ca­gayan Valley.

Sinorpresa ng Rising Suns ang NLEX, 78-74, sa ikatlong laro para tapusin ang kampanya sa elims sa 8-4 baraha.

Ngunit natalo ang bataan ni coach Alvin Pua sa Razorbacks, 78-82, para maisuko ang pinaglalabanang puwesto.

Kung manalo ang tropa ni coach Caloy Garcia sa Superchargers ay may posibilidad na magkaroon ng triple-tie sa ikalawang puwesto kapag matalo pa ang Road Warriors sa Zambales-M-Builders.

Pero mas mataas ang quotient ng NLEX para samahan ang Big Chill sa Final Four. (ATan)

Show comments