MANILA, Philippines - Hindi nagpabaya ang National University para isulong pa sa pitong sunod ang pagpapanalo sa UAAP women’s volleyball sa pagkuha ng 25-17, 25-17, 23-25, 25-19, panalo laban sa Ateneo kagabi sa The Arena sa San Juan City.
May tatlong blocks si Myla Pablo tungo sa 14 hits, si Ivy Perez ay mayroong limang aces tungo sa 13 puntos habang may 13 pa si Mina Aganon para pamunuan ang Lady Bulldogs na lumapit sa isang panalo para sa playoff sa mahalagang twice-to-beat advantage sa Final Four sa kinuhang 9-1 baraha.
Napanatili rin ang pagdikit sa La Salle (9-0) sa kalahating laro bukod sa paglayo sa Lady Eagles na nagnanais pang agawin ang insentibo sa semifinals.
Nanaig ang UST sa UP sa unang laro, 25-23, 25-20, 25-15, para magpatuloy ang paghahabol sa puwesto sa susunod na round sa 4-6 baraha.
Si Pam Lastimosa ay mayroong 12 kills, apat na blocks at dalawang aces tungo sa 18 puntos para sa Lady Tigresses na nais ng maipanalo ang nalalabing apat na laro para makaiwas sa maagang bakasyon.
Samantala, kinuha ng La Salle ang ikaanim na diretsong tagumpay sa UAAP baseball sa 16-7 demolisÂyon sa UST na ginawa sa Rizal Memorial Diamond.
May 12 hits ang Archers sa laro at sina Carlos Muños at Fernando Imperial ay nagpasok ng tig-apat na runs.
Sa ikalawa at ikatlong innings gumawa ng tig-apat na runs ang La Salle para balewalain ang naunang dalawang runs ng Tigers na bumaba sa 1-5 baraha.
Binawian naman ng National University ang nagdedepensang kampeon Ateneo, 5-4, matapos magpasok ng dalawang runs sa bottom of the ninth inning.
May 2-4 karta ang Bulldogs habang bumaba sa 4-2 ang Eagles.