BOSTON--Bagama’t nangapa ang Oklahoma City Thunder sa mga naunang yugto, nahanapan pa rin nila ng paraan ang manalo laban sa Celtics kahit hindi nagamit ang mga superstars na sina Kevin Durant at Russell Westbrook.
Si Serge Ibaka ay may siyam sa kanyang 21 puntos sa ikatlong yugto nang pakawalan ng Oklahoma City ang 17-2 run para mauwi sa 101-83 panalo ang laro na ginawa sa Boston.
Ang NBA scoring leader na si Durant ay lumiban sa laro sa unang pagkakataon sa season upang makasama sa bench si Westbrook na nagpapagaling ng kanyang injury sa kanang tuhod mula pa ng Pasko.
Si Jeremy Lamb ay may 19 puntos mula sa bench habang tumapos si Reggie Jackson taglay ang 14 puntos at walong assists para tulungan ang Oklahoma City ang ikaanim na sunod na panalo.
Sa Sacramento, tumiÂpak ng walong puntos si Paul George sa overtime para manaig ang Indiana Pacers sa Kings, 116-111.
Gumawa si George ng 36 puntos at ang kanyang dunk matapos ang tres ni David West ang naghatid sa Indiana sa 110-106 kalamangan at hindi na nila binitiwan ang bentahe hanggang matapos ang laro.
Si West ay may 22 puntos habang si Lance Stephenson ay may all-around game na 24 puntos, 10 rebounds at anim na assists.
May 42 puntos kasama ang pitong 3-pointers si Marcus Thornton habang 38 ang ginawa ni Isaiah ThoÂmas para sa Kings na ramdam ang di paglalaro ng mga pambato na sina DeMarcus Cousins at Rudy Gay.
Sa Orlando, si Tobias Harris ay kumana ng 28 puntos at career-high 20 rebounds para pagningÂningin ang 114-105 panalo ng Magic sa L.A. Lakers.
Sumuporta pa sina Jameer Nelson (22 puntos at anim na assists) at rookie Victor Oladipo (15 puntos, 12 rebounds at limang assists) at ang Magic ay nagawang ma-outscore ang Lakers, 59-40, sa huling 21 minuto ng labanan.
Sa New York, naglista si Carmelo Anthony ng career-high at franchies-record na 62 puntos upang iangat ang New York Knicks sa 125-96 pananaig laban sa Charlotte Bobcats.
Sa Oakland, California, tumirada si Kevin Martin ng jumper sa huling 8.4 segundo ng laro ang nagsalba sa Minnesota Timberwolves sa 121-120 tagumpay laban sa Golden State Warriors.
Sa iba pang laro, nanaig ang San Antonio Spurs sa Atlanta Hawks, 105-79; hiniya ng Toronto Raptors ang Philadelphia 76ers, 104-95.