MANILA, Philippines - Tulad sa mga abled athletes ay handa na rin ang Philippine Sports Commission (PSC) na ibigay agad ang insentibo ng mga nanalong differently-able athletes sa idinaos na 7th ASEAN ParaGames sa Nay Pyi Taw, Myanmar mula Enero 14 hanggang 20.
“Yes, we are ready to give it anytime,†wika ni PSC chairman Ricardo Garcia patungkol sa insentibo.
Sa huling ParaGames noong 2011 sa Indonesia, ang PSC ay naggawad ng P25,000.00, P15,000.00 at P10,000.00 para sa ginto, pilak at bronze medals na napanalunan.
Sa taong ito, kumabig ang inilaban ng PhilSPADA ng 20 ginto, 19 pilak at 21 bronze medals.
Ngunit tulad ng mga abled athletes na lumaban sa SEA Games noong Disyembre, mas mababa rin ang tinapos ng mga atleta sa Paragames sa taong ito kumpara sa huling edisyon dahil nalagay lamang ang delegasyon sa ikaanim na puwesto.
Noong 2011 ay tumapos ang bansa sa ikalimang puwesto bitbit ang 23 gold, 23 silvers at 18 bronze medals.
Ang athletics ang siyang nag-uwi ng pinakamaraming ginto sa taong ito sa pitong hinakot at pinangunahan sila nina Marites Burce (women’s F54 javeline throw at shotput) at Jeanette Acebeda (women’s F11 shotput at discus throw) na may tig-dalawang napanalunan.
Ang chess ang pumangalawa sa pitong ginto bago nasundan ng apat sa swimming, dalawa sa table tennis at isa sa powerlifting.
Ang Indonesia ang siyang lumabas bilang kampeon sa 99 ginto, 69 pilak at 49 bronze medals at naungusan nila ang Thailand ng tatlong ginto (96-82-70) para sa pangalawang puwesto.
Ang Malaysia ang pumangatlo sa 50-49-40) kasunod ng Vietnam (48-65-72) at host Myanmar (34-26-36). (ATan)