Australian Open Azarenka hinubaran ni Radwanska ng titulo
MELBOURNE--Nawala na rin ang nagdedepensang kampeon sa Australian Open nang lumasap ng 6-1, 5-7, 6-0, pagkatalo sa quarterfinals si Victoria Azarenka kay Agnieszka Radwanska noong Miyerkules.
Nakita rin ni Azarenka na natapos ang 18-match winning streak sa torneo at nasama siya kina Serena Williams at Maria Sharapova na namahinga na.
Bunga nito, ang 2011 French Open champion na si Li Na ang nalalabing manlalaro na may major title na hawak ang palaban pa para sa korona.
Kalaban ni Li si Eugenie Bouchard sa semifinals habang si Radwanska ay makakasukatan si No. 20 Dominika Cibulkova matapos pagpahingahin ang 11th seed na si Simona Halep, 6-3, 6-0.
Hindi lamang sa woÂmen’s singles magkakaroon ng bagong kampeon dahil ganito rin ang mangyayari sa men’s division matapos matalo si Novak Djokovic kay Stan Wawrinka sa larong umabot sa five sets.
Ang fifth seeded Radwanska ay nakarating sa semifinals sa unang pagkakataon sa huling apat na edisyon ng kompetisyon.
Pinahirapan niya si Azarenka ng mga matitinding drop shots at slices mula sa baseline upang mapatakbo lagi ang dating kampeon.
Kapag naaabutan ang mga bola, palolobohin o di kaya ay magpapakawala ng volley o passing shots si Radwanska para makuha ang mahalagang puntos hanggang sa maitala ang panalo.
- Latest