Pacquiao-Bradley fight ‘di pa selyado--Arum

MANILA, Philippines - Hanggang hindi pumi­pirma sa kontrata sina Manny Pacquiao at Timothy Bradley ay hindi masa­sabing selyado na ang rematch na balak gawin sa Abril 12 sa MGM Grand sa Las Vegas.

Ito ang inihayag ni Top Rank CEO Bob Arum sa panayam ni Lem Satterfield ng ringtv.com para pabulaanan ang mga balitang kasado na ang ikalawang pagkikita nina Pacquiao at Bradley.

“I’ve been involved in this business for so long that I know that until eve­rything is agreed to, then there’s no fight,” ani Arum.

Aminado si Arum na may mga usapin pa na hindi napaplantsa pero hindi niya inihayag ito.

May mga ulat na nais ni Bradley na humingi ng mas malaking bayad sa rematch lalo pa’t napatunayan na niya ang sarili dahil matapos talunin si Pacman noong 2012 sa isang kontrobersyal na split decision, isinunod niya na dinaig sina Ruslan Provodnikov at Juan Manuel Marquez.

Ang Russian na si Provodnikov ang isa pang pa­ngalan na pinagpipi­lian ng Top Rank para sa unang salang sa ring ni Pacman sa taon habang ang Mexican na si Marquez ay umukit ng kahanga-ha­ngang sixth round knockout panalo kay Pacquiao noong Disyembre 2012.

May malinis na 31-0 kasama ang 12 KOs ang 30-anyos na si Bradley at itataya niya sa bakbakan ang WBO welterweight title na inagaw niya sa Pambansang kamao.

Si Pacquiao mismo ay nagsabing si Bradley ang mas gusto nilang makaharap sa pag-akyat uli ng ring para maibaon sa limot ang kontrobersyal na pagkatalo sa unang pagtutuos. (AT)

Show comments