Sibak na rin sa Australian open Sharapova sinorpresa ni Cibulkova

MELBOURNE--Unti-unti ay nalalagas na ang mga tinitingalang manlalaro sa women’s division sa Australian Open.

Namaalam na ang third-seeded na si Maria Sharapova nang hindi napangatawanan ang first set panalo sa 3-6, 4-6, 1-6, pagyuko kay Dominika Cibulkova sa fourth round noong Lunes.

Nawala ang ipinagma­laking serve ni Sharapova sa second at third sets at ininda rin ang 45 unforced errors.

Ito pa lamang ang ikalawang torneo na nilahukan ni Sharapova dahil sa tinamong right shoulder injury.

“I have to look at the positives and see where I have come from in four or five months. I haven’t pla­yed a lot of tennis in those six months,” paha­yag ni Sharapova na hinirang na kampeon sa torneo noong 2008.

Naunang nasibak sa mga may pangalang pla­yers ang top ranked na si  Se­rena Williams noong Linggo.

Sunod na makakasagupa ni Cibulkova si No. 11 Simona Halep na pinatalsik din ang dating No. 1 na si Jelena Jankovic, 6-4, 2-6, 6-0 sa quarterfinals.

Hindi pa lilisanin ni Sha­rapova ang Melbourne at susuportahan nito ang kanyang kasintahan na si Grigor Dimitrov na nakara­ting sa quarters ng men’s side sa kauna-unahang pag­kakataon nang itarak ang 6-3, 3-6, 6-2, 6-4 panalo laban kay Roberto Bau­tista Agut.

Umusad din si Victoria Azarenka sa quarterfinals nang manalo kay No. 13-seed Sloane Stephens, 6-3, 6-2.

Show comments