Mills gumana sa Spurs; Lakers wagi rin

 SAN ANTONIO--Napanatili ng Spurs ang kawalan ng panalo sa taon ng Milwaukee nang kanilang igupo ang Bucks sa iskor na 110-82 noong Linggo.

Si  Patty Mills ay mayroong 20 puntos para pamunuan ang limang Spurs na tumapos taglay ang mahigit 11 puntos at ipalasap sa Bucks ang ikasiyam na sunod na pagkatalo sa  2014.

Apat na manlalaro ang hindi pa rin nakakasama ng San Antonio dahil sa injuries at ito ay sina Tony Parker, Tiago Splitter, Danny Green at Matt Bonner.

Pero natabunan ang kanilang produksyon nina Marco Belinelli, Jeff Ayres, Nando De Colo at Kawhi Leonard sa 14, 13, 13 at 11 puntos.

Si Tim Duncan ay naghatid pa ng 11 puntos at 13 boards sa limitadong paglalaro at ang Spurs ay nakaba­ngon din sa 100-109 desisyon sa Portland noong Bi­y­ernes.

Sa Los Angeles,  gumawa ng magandang pagbabalik si Nick Young mula sa suspension ng tumapos na may 29 puntos at ibandera ang Lakers sa 112-106 tagumpay laban sa Toronto Raptors.

Kumana si Young ng 14 puntos sa fourth quarter para ibangon ang Lakers sa 19-puntos pagkakalubog sa first half.  Nag-ambag si Pau Gasol ng 22 puntos.

Sa Oklahoma, gumawa ng 30 puntos si Kevin Durant para igiya ang Thunder sa 108-93 tagumpay laban sa Sacramento Kings.

Matapos ang career-high 54 puntos sa huling laro laban sa Golden State, si Durant ay gumawa ng 10-of-15 shooting at naghatid pa ng siyam na assists. Ito ang ikapitong sunod na laro ni Durant na tumapos siya bitbit ang 30 puntos pataas.

Sa Phoenix, tumipa ng season-high na 30 puntos si Channing Frye para pagningningin ang 117-103 pagdurog ng Suns sa Denver Nuggets.

Nagawa ni Frye ang marka na kapos ng tatlong puntos para pantayan ang caeer-high, kahit naupo siya sa huling 9 ½ minuto ng laro. Hindi nakapaglaro noong nakaraang taon dahil sa enlarged heart, apat sa 16 na buslo sa laro ang naisablay lamang ni Frye, kasama ang 5-of-7 marka sa 3-point line.

 

Show comments