Gintong puso

Huli man daw at magaling ay maihahabol din.

Mahigit dalawang buwan na ang nakakalipas mula nang hagupitin tayo ni Yolanda pero umaagos pa rin ang suporta para sa ating bansa.

Sa nakalipas na general assembly ng Olympic Council of Asia (OCA), bumaha ng suporta at dalamhati mula sa mga bisita natin na galing sa iba’t ibang bansa.

Pinangunahan ito ni Sheikh Ahmad Al-Fahad Al-Sabah, ang presidente ng OCA, na nangakong tu­tulong sa ating mga magsasaka na nasalanta ni Yolanda.

Popondohan ni Al-Sabah ang kanilang pagtatanim ng palay sa Samar at Leyte. Magiging katulong niya sa proyekto si Peping Cojuangco, ang presidente ng Philippine Olympic Committee.

Bukal sa loob ng mayamang Kuwaiti ang pagtulong.

Ang International Olympic Committee naman ay hindi magpapadaig at nangako ng tulong na nagkaka­halagang $450,000 o mahigit P20 million.

Para naman ito sa mga sports facilities na nagiba ni Yolanda at ng iba pang kalamidad gaya ng lindol sa Bohol nung Oktubre.

Umapaw ng suporta para sa Pilipinas.

Ang Japan Olympic Committee ay nagbigay din ng $30,000.

Abot  tenga ang ngiti ni  Cong. Peping  Cojuangco sa pagtatapos ng OCA general assembly nung Sabado sa PICC. Masayang-masaya siya sa mga biyayang tinamo ng bansa.

Saludo ako sa mga dayuhan na nanatili sa ating bansa para sa OCA meeting. Lahat sila ay nagpakita ng pakikipagdalamhati para sa ating bansa.

Mabuhay ang OCA.

 Mabuhay ang IOC.

Show comments