Lady Altas babawian ang Lady Blazers sa NCAA volley

MANILA, Philippines - Lalabanan ng San Se­bastian College ang Arellano University sa ikalawang pagkakataon sa loob ng apat na araw, habang haharapin ng defending champion na University of Perpetual Help System Dalta ang College of Saint Benilde sa NCAA wo­men’s volleyball semifinals ngayon sa The Arena sa San Juan.

Tumapos ang apat na koponan na may magkakatulad na 7-2.

Naipanalo ng Lady Stags ang kanilang huling apat na laro para hirangin bilang elimination round topnotcher, samantalang nahulog naman ang Lady Chiefs sa No. 4 matapos matalo sa Recto-based spikers na tumapos sa kanilang seven-game winning streak.

Makaraang magtabla sa 2-2 sa kanilang apat na paghaharap, nangailangan ang Lady Altas ng isang five-game winning streak para angkinin ang No. 3 slot at binigo naman ng Lady Blazers ang Jose Rizal University upang kumpletuhin ang semis cast.

Hangad ng San Sebastian na maulit ang kanilang 22-25, 25-22, 25-19, 25-19 panalo kontra sa Arellano noong Biyernes para sa kanilang opening match ngayong alas-12 ng tanghali kasunod ang laro ng Perpetual Help at St. Benilde sa alas-2 ng hapon.

Asam ng Lady Altas na makabawi sa kanilang 21-25, 23-25, 25-22, 19-25 pagkatalo sa Lady Blazers noong Nobyembre 25.

Ang Top 2 squads sa Final Four ang maglalaban sa isang best-of-three championship series.

Umaasa ang Lady Chiefs na nasa kondisyon ang kanilang setter na si Mary Jane Ticar matapos mabangga ang kanyang tuhod ni Lady Stags libero Mae Crisostomo sa fourth set.

Sina Gretchel Soltones at Jolina Labiano ang magiging 1-2 punch para sa San Sebastian katapat sina Menchie Tubiera at CJ Rosario ng Arellano.

 

Show comments